Dahil mas masarap pag-usapan ang totoong buhay kesa sa chismis.

Home » Post Item » Naapakan ba kita? Sorry ah..

Naapakan ba kita? Sorry ah..

July 24, 2009

Ano ba ang mas masakit?

 

Literal na naapakan?

O…

Ang mga salitang totoo man o indi na pawang nagpagulung-gulong sa buo mong pagkatao?

Maraming ibig sabihin ang salitang apak. Indi ito simpleng alay-lakad o party ng mga tsinelas at sapatos. Isa ito sa ugat ng napakaraming isyu na mas madalas gawin kesa pag-usapan.

In all fairness, parehong masakit ang literal na matapakan at mapagtulungan ng mga salita at gawa lingid sa kaalaman mo…mas malala kung alam mo ito at pinababayaan mo lang.

Kadalasan, ang mga lalaki at mangilan-ngilang babae ang mas gusto ng apakan sa pisikalang paraan. Para wala nang mashadong salitaan at matapos na ang lahat in a matter of 30 minutes to 1 hour depende kung sinu unang mapagod. Anyway, pagkatapos naman nito, parang wala nang nangyari at balik na ulit sa dati, ang importante lang eh mailabas lang yung pangangati ng mga kamao at mabasag na ang mababasag dahil yun naman ang highlight ng usapan.

Para sa kababaihan, ang usapang apakan ay katulad ng ibang mortal sin na kailangang dumaan sa napakaraming proseso. Simula sa salitaan, parinigan, chismisan, kampihan, iringan, dedmahan, at sa iba—pisikalan. Pwedeng mauwi sa pag-aayos at kung minsan naman ay binabaon na sa limot.

Naapakan ka na ba? Maliban nung sinuot mo yung bago mong sapatos  na bago matapos ang araw ay indi mo mabilang kung ilan ang buminyag nito sa apak. Lahat talaga ng bago ay kailangang mabinyagan, yan ang culture sa atin. Basta ang isang bagay na kalalabas lang sa plastic  at wala pang marka ng gasgas — asahan mo, marami na ang bibinyag dyan.

Sa buhay natin, marami tayong makikilala. Ang iba sa mga ito magiging kalapit natin, kaibigan, ka-close kumbaga. Ang iba naman… iba ang trip, depende sa gusto at hilig nila. Dun tayo magpokus sa mga “Big Foot.”

Siguro naman may nakilala ka ng Big Foot sa iskul.

Sila yung mga pinanganak na may imprentahan ng pera at mga kutis mayaman at aware sila sa mga bagay na ito kaya bigay todo sila sa pang-aapak ng ibang mga kaklase na para sa kanila ay pwede nang ihilera sa mga yaya niya. Indi ko naman nilalahat. Shempre, meron pa rin namang mababait na tulad nila, pero aminin natin…konti lang talaga. Kung ikaw ang tipo na pang-drama, yuyuko ka na lang pag inaapi ka. (Wag tularan) Dapat ikaw yung tipo na mambabasag ng mukha pag tinangka ka niyang ihilera sa mga yaya niya when in fact, ang lebel mo eh pang-mayordoma. :lol: Alam naman natin na pag usapang basagan lalo na ng mukha eh, tumitiklop na ang mga yan na parang makahiya.

 

May Big Foot din shempre sa neighborhood.

Ang Pamilya Zaragoza, kine-claim nilang mayaman sila pero dun din naman nakatira sa hood na tinitirahan nyo, diba dapat kung mayaman eh BF Homes, Ayala-Alabang-Forbes Park? Yung pag me bagong gamit eh kulang na lang mag-anawnsment sa buong barangay na parang Oplan Alis Disis, samantalang naka-jumper naman ang kuryente at kung susumahin ang yaman nila at ng pamilya n’yo…Mas mayaman lang naman sila ng isang libo sa inyo. :lol: Ika nga sa Sprite commercial…“Magpakatotoo ka!” Sabi nga nila, pag indi pinansin…mapapagod din ito ng kusa at titigil na rin sa ginagawa. Mauubos rin yung isang libo nila at papantay na rin kayo ng yaman.

 

Sa trabaho naman, walang excitement pag walang Big Foot in da haus.

Sila yung mga matatagal na sa trabaho, sipsip sa management, ninong sa kasal yung may-ari kaya yung power nila sa kumpanya ay overwhelming na para bang malaki ang stocks niya sa kumpanya. Pag ikaw na bago ang siyang pinag-initan…indi ito titigil hangga’t indi ka nagde-decide na mag-resign, kulang na lang ipag-type ka pa niya ng resignation letter. Nakakainis sila diba? Yung kutuhan sa kalsada dinadala pa nila sa opisina. Kung mahina ang loob mo, aalis ka talaga. Minsan ang mga ito, kailangan nilang makompronta at magkaron ng taong indi magpapatinag sa kanila. Pag nagawa mo yun, titigilan ka na rin nila at hahanap na lang ang mga ito ng pwede nilang paglaruan.

 

Sa mga common acquaintances, shempre indi rin mawawala ang manaka-nakang pambi-Big Foot ng ilan.

Meron dyan, ang intro parang humble. Sa una-pangalawa-pangatlong meeting humble talaga…nakaka-elib. Ang galing, meron pa palang ganun pero yun pala pag tagal sa ibang paraan, Big Foot din pala. Dinadaan sa wentong pang hanging habagat, summer na summer ang paligid eh parang biglang gusto mong kunin yung jacket mo sa lamiiig ng usapan.

Dapat dyan, wag mo na lang pansinin tutal naman, wento lang. Shempre pag personalan na, ibang usapan na yan. Maghanap na lang siya ng pwede niyang apakan. 

Me ibang Big Foot na gusto nila, iba ang arrive nila. Yung tipong unang kita palang kailangang maka-intimidate na sila. Ifa-flash sa’yo yung mga gamit niya pero shempre pa-humble – pahinhin para mas nakakabilib talaga pero isang paraan pala ito para takpan yung totoong ugali nila. Mahilig silang magsalita ng indi magandang bagay sa iba in a nice way. (meron ba nun?) At pag may ginawa kang against sa kanila, kailangang pagsisihan mo ito kahit naman alam mong tama lang naman ang sinabi mo. Meron silang espesyal na paraan ng pangto-torture ng feelings hanggang sa magtanda ka.

Tara nga’t i-peel off natin yang maskara nila para malaman natin kung kulay ginto nga bang talaga ang mga bungo nila. :lol: Ang mga ganitong tao, indi binibigyan ng importansya. Yan ang sikret. Pag alam nilang indi sila importante sa’yo, wala nang rason para magkita pa kayo diba? ;) Parehong masaya ang layf n’yo.

Meron ding mga Big Foot na mukhang paa na dahil underdog sila sa halos kalahati ng buhay nila, nung nagkaron ng pagkakataon…mas matindi pa sila sa karaniwang big foot natin d’yan. Lahat naman ata ng tao pag nabigyan ng power over someone or something, nao-overwhelm at umaabuso.  Nabubulag. Nakakalimot.

Ang mga germs na ito,  indi binebeybi…kini-kill lang. :lol: Seriously, dinededma lang. Pag mas marami kasi ang bumebeybi sa pag-uugali, pakiramdam nila it looks good on them. Nasasanay. Humahaba ang sungay. Kaya dapat malaman din nila na indi magandang pinagpapareha ang striped shirt at printed pants kahit gaano pa ito kamahal.

Mahilig ako mam-Big Foot…ng mga Big Foot. Inaapakers ko sila para mabawas-bawasan naman. Dati yon. Ngayon, indi na mashado. Observer na lang ako. Nagmimiron na lang kasi napag-isip-isip ko na Time is Gold. Marami pa kong pwedeng gawin sayang lang ang oras ko sa kanila.

Kaya sa susunod na may maka-engkwentro kayong mga Big Foot along the way…wag na kayong makipagtagisan ng galing sa kanila kasi pag ginawa mo yun, talo ka pre. Makakabuti para sa lahat na wag na itong pansinin (pag kinakailangan lang hehe..) at ipagdasal na lang natin na sana magpatuloy pa rin ang blessings para sa lahat. Kasi kung mag-iisip pa tayo ng masama para sa kanila, madadagdagan lang ang kasalanan natin diba? 

Hangga’t nasa tama ka…dyan ka lang. k?

Posted by lostako at 7:29 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment